Hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Vice Ganda nang diretsahang ipinaliwanag sa kanyang TikTok live kamakailan ang dahilan sa likod ng pabago-bagong segments ng *It’s Showtime*.
“It’s all about ratings,” ani Vice, na inamin na araw-araw nilang sinusuri ang feedback mula sa management batay sa performance ng bawat segment.
“Alam namin kasi yung mga segments na nagre-rate at hindi, kasi yung ratings dumadating sa amin araw-araw,” pahayag ni Vice. Ayon sa kanya, batay sa mga numerong iyon, pinapahaba o tinatanggal ang mga segment depende sa reaksyon ng audience. Diumano, hindi lang basta aliw ang layunin ng palabas kundi panatilihin din ang mataas na viewership upang manatiling sustainable ang programa.
Tahasang sinabi ni Vice na, “Without ratings, hindi kami makakuha ng sponsors,” na nagsasaad kung gaano kahalaga ang rating numbers sa pagpapatuloy ng programa. Dahil dito, wala umano silang choice kundi i-adjust ang kanilang content base sa feedback at datos ng audience engagement.
Hindi rin nakaligtas ang *It’s Showtime* sa mga puna mula sa netizens tungkol sa biglaang pagbabago ng kanilang mga palaro at segment, ngunit ayon kay Vice, ito ay bahagi ng reality ng telebisyon. "Kapag hindi tumatak sa viewers, hindi magtatagal. Kapag patok, mas pinapahaba," dagdag pa niya.
Ang kanyang pagiging bukas tungkol sa ratings game ay umani ng papuri mula sa ilang netizens na nagpasalamat sa transparency ni Vice. Sa kabila ng pressure ng telebisyon, nananatiling layunin ng programa na magbigay saya, ngunit kailangan din diumano nilang sumabay sa agos ng industriya upang patuloy na makapaghatid ng aliw sa madla.
No comments:
Post a Comment