Isang Breadwinner, Isang Bayani: Ang Sakripisyo ni Michael

 

Sa isang emosyonal na panayam sa *It’s Showtime*, ibinahagi ng guro at breadwinner na si Michael ang kanyang kwento ng sakripisyo at determinasyon. 



Simula pa lamang ng third year high school, siya na ang bumubuhay sa kanyang pamilya—ang kanyang mga magulang, apat na kapatid, at apat na pamangkin. Sa kabila ng maliit na kita bilang guro, patuloy niyang inuuna ang kapakanan ng kanyang mga mahal sa buhay.


“Kung sasahod ako ng P8,000, halos P7,500 ang pinapadala ko sa pamilya ko,” aniya. Sa natitirang P500, pinagtitiyagaan niya ito upang makaraos ng 15 araw bago ang susunod na sahod. Minsan, kinakailangan niyang mangutang para mapunan ang kanyang kakulangan. “Ngayon lang po malalaman nila mama at papa na minsan ‘yung binibigay ko sa kanila inuutang ko,” dagdag pa ni Michael, na umabot na sa P100,000 ang utang dahil sa kanyang sitwasyon.


Nagbunsod ng matinding reaksyon mula kina Vice Ganda at Anne Curtis ang kanyang kuwento, lalo na’t nagtitiis siya sa isang pagkain sa isang araw para lamang matustusan ang pangangailangan ng pamilya. “Grabe! And you need so much energy kung PE teacher ka kasi physical,” ani Anne Curtis, habang nananatiling namangha sa dedikasyon ni Michael.


Ang kwentong ito ay nagbigay liwanag sa mas malalim na isyu ng pagiging breadwinner, lalo na sa kulturang Pilipino. Ang pasaning ito, bagama’t puno ng pagmamahal at malasakit, ay madalas naglalagay ng mabigat na responsibilidad sa mga kabataan. Maraming netizens ang naglabas ng opinyon, sinasabing ang pagiging magulang ay isang responsibilidad na dapat tanggapin ng buo, nang hindi ito iniaasa sa kanilang mga anak.


**“Wake-up Call sa Lahat ng Magulang”**


Ito ang tawag ng maraming nakapanood ng panayam kay Michael. Ang kanyang kwento ay hindi lamang nagsasalaysay ng sakripisyo, kundi isang paalala na ang pagiging magulang ay nangangailangan ng masusing pagpaplano at dedikasyon. Ang mga anak ay may karapatang habulin ang kanilang mga pangarap nang walang bigat ng responsibilidad na hindi dapat sa kanila.


Sa kabila ng lahat, si Michael ay isang simbolo ng lakas at determinasyon, na patuloy na nagsasakripisyo para sa kanyang pamilya. Pero, kailan nga ba matatapos ang ganitong kalakaran? Paano mabibigyan ng pagkakataong mangarap ang mga breadwinner tulad niya kung paulit-ulit na pasan nila ang bigat ng mundo?


Photo: Facebook/It's Showtime

No comments:

Post a Comment