Pinaghahanap ngayon ng mga otoridad ang PBA player na si John Amores matapos umano nitong paputukan ang isang lalaking nakalaro niya sa Lumban, Laguna. Nahaharap ang atleta sa kasong attempted murder kasunod ng insidente na naganap noong Miyerkules ng gabi, ayon sa inisyal na ulat ng pulisya ng Lumban.
Photo: John Amores/FB
Base sa imbestigasyon, isang seaman ang nakaalitan ni Amores habang naglalaro ng basketball. Nauwi ito sa mainitang pagtatalo na nauwi sa hamunan ng suntukan. Nagkasundo ang dalawa na magkita sa Barangay Maytalang Uno. Dumating si Amores sakay ng motorsiklo at kaagad na sinundan ng kanyang kalaban. Sa CCTV footage, makikita na pagbaba ng biktima mula sa kanyang motorsiklo, biglang nilapitan ito ni Amores at pinaputukan. Mabuti na lamang at hindi tinamaan ang biktima, na kaagad na tumakbo palayo.
Dahil sa insidente, agarang nagsagawa ng manhunt operation ang kapulisan laban kay Amores. Samantala, hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng PBA habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Matatandaan na si Amores ay nasangkot na rin sa isang kontrobersiya noong 2022, habang naglalaro pa sa NCAA para sa JRU Heavy Bombers. Sa isang laro laban sa College of St. Benilde, nag-amok si Amores sa court at pinagsusuntok ang ilang manlalaro ng kalaban. Dahil dito, natanggal siya sa koponan at ipinadala sa anger management at sports psychology classes.
Pagkatapos ng insidente, kinuha si Amores ng NorthPort Batang Pier para maglaro sa PBA, ngunit hindi nakapasok ang kanilang koponan sa playoffs ngayong season.
No comments:
Post a Comment