Lampas PHP60 million na ang halaga ng pera at properties na ipinagkakaloob kay Carlos Yulo

 


Nag-react ang two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo sa mga insentibong ibibigay sa kanya ng private companies at government agencies. 

Photo: Carlos/IG


Nagbigay ng karangalan sa Pilipinas si Carlos, 24, matapos makopo ang dalawang gintong medalya sa men’s gymnastics sa ongoing na 2024 Paris Olympics. Lampas PHP60 million na ang halaga ng cash at property incentives na naghihintay kay Carlos dahil sa kanyang tagumpay.


Sa kasalukuyan, mayroon nang PHP32-million guaranteed cash incentive si Carlos. Kamakailan lang, in-upgrade ng isang real-estate company ang insentibo nila sa atleta mula PHP26-million condo unit tungo sa PHP32-million fully furnished unit. Ilan lamang ito sa mga insentibo kay Carlos at patuloy pang lumalaki. "Wow, I did not know that," nangingiting sambit ni Carlos nang banggitin ni ABS-CBN reporter Dyan Castillejo ang ilan sa makukuha niyang insentibo.


Si Carlos ay nasa Paris, France pa rin at tila hindi pa lubusang naiisip kung ano ang gagawin niya sa napakalaking gantimpalang naghihintay sa kanya. "Yun nga din po, hindi ko na rin po, right now, alam…” saad niya. “Pero may mga tao na po akong kilala na tutulong po sa akin at magma-manage po ng ganito. And siyempre, si Ma’am Cynthia palagi lang po siya nandiyan. Mag-a-ask po ako ng mga questions kung paano magandang gawin sa money.” Ang tinutukoy ni Carlos na "Ma'am Cynthia" ay si Gymnastics Association of the Philippines president Cynthia Carrion, na napapansin ngayon matapos tumama ang kanyang prediksiyon na makakakuha ng dalawang gold medals si Carlos.


Ibinahagi ni Carlos na hindi niya sasayangin ang mga biyayang ipagkakaloob sa kanya para paghandaan ang kanyang kinabukasan. “Pero for sure, I’m gonna save it and invest po in the future. Hindi naman po ako palaging atleta. Minsan lang ito. Shinoot ko yung shot ko and tumama naman po. I’m really grateful po kay Lord talaga.” Sinabi rin ni Carlos kung ano ang pagtutuunan niya ng pansin matapos ang kanyang matagumpay na Olympics 2024 finish. “Siguro after nito, focus po muna ako sa personal life ko, pero hindi ko pa rin po pababayaan ang physical health and mental health.”


Kinumpirma ni Carlos na magpapahinga muna siya at walang darating na kompetisyon. “Wala din naman po akong competition. As of now, ito na po yung pinakamalaking competition ko. Naging stressful din po yung taon na ito. So, focus muna din sa sarili and ia-align ko po yung utak ko ulit, and make ng plans ulit for another Olympic cycle.” Tiniyak din ni Carlos na sasabak siya sa 2028 Los Angeles Olympics. “Yes po. Definitely po. One-hundred percent po.”



No comments:

Post a Comment