Ana Victoria Santiago: Kauna-unahang Babaeng May Down Syndrome na Nagtapos ng Abogasya

 

Isang inspirasyon sa marami ang kwento ni Ana Victoria Espino de Santiago, isang 25-taong gulang na babaeng may Down syndrome mula sa Mehiko, na umukit ng kasaysayan bilang kauna-unahang nakapagtapos ng abogasya sa Universidad Autonoma de Zacatecas.

Photo: Screengrab from Daily Mail


Ipinanganak noong Enero 30, 1999, si Ana Victoria ay hindi nagpatalo sa mga hamon ng kanyang kapansanan at mga panghuhusga ng lipunan. Sa halip, ginamit niya ang suporta ng kanyang pamilya at ang kanyang matinding determinasyon upang makamit ang kanyang pangarap. Sa kabila ng mga limitasyon ng tradisyunal na sistema ng edukasyon, nagawa niyang makapagtapos ng sekundarya sa pamamagitan ng online class at agad na ipinuslit ang kanyang pag-aaral sa abogasya.


Sa loob ng limang taon, nagtapos si Ana Victoria ng kursong abogasya sa kabila ng mga pagsubok. Sa tulong ng kanyang mga propesor, na kinilala ang kanyang potensyal, matagumpay niyang natapos ang kanyang pag-aaral. Bago pa man magtapos, aktibo na siyang lumahok sa mga legislative forum upang mas maunawaan ang larangan ng abogasya at maging handa sa kanyang propesyon.


Naging inspirasyon din si Ana sa kanyang mga kapwa PWD, na siyang nagtulak sa kanya na ipagpatuloy ang kanyang laban sa diskriminasyon. Sa kanyang ambisyong maging isang kongresista, layunin niyang wakasan ang diskriminasyon sa hanay ng mga may kapansanan at maglingkod sa kanyang komunidad.


Bukod sa kanyang kahusayan sa larangan ng abogasya, nagpakita rin ng talento si Ana sa sining. Noong 2014, inilunsad niya ang kanyang exhibit na pinamagatang “Desde mi cielo” (“From My Sky”), na sumasalamin sa kanyang natatanging pananaw at pagiging malikhain.


Ang tagumpay ni Ana Victoria ay nagbigay-daan sa mga papuri mula sa iba't ibang panig ng mundo, kabilang ang mga bansa tulad ng Spain, Peru, at Chile. Siya ay inimbitahan ng International Foundation para sa isang kolaborasyon na may layuning makatulong sa mga kapwa may kapansanan.


Sa kasalukuyan, nakatatanggap na rin si Ana ng mga alok na trabaho mula sa ibang bansa, patunay na ang kanyang tagumpay ay nagsilbing inspirasyon at pag-asa sa maraming tao, lalo na sa mga may kapansanan. Ang kanyang kwento ay isang malinaw na halimbawa na walang imposible sa isang taong may determinasyon at suporta mula sa pamilya at komunidad.


No comments:

Post a Comment