Aktres na si Jennylyn Mercado naglunsad ng fundraising para sa mga nasalanta ng bagyong Carina. Ibabalik ang Startruck upang magbahagi ng tulong sa mga apektadong komunidad dulot ng nasabing super typhoon.
Photo: Jennylyn Mercado/IG
Sa kanyang Instagram account, inanunsyo ni Jennylyn Mercado ngayong araw, July 25, 2024, na ibabalik niya ang Startruck, isang proyekto na sinimulan nila ni Dennis Trillo noong 2020 matapos manalasa ang bagyong Ulysses sa Cagayan. Ang Startruck ay muling maghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Carina.
Sa kanyang post, naglunsad si Jennylyn ng fundraising campaign at nanawagan ng donasyon para sa mga nais magbigay ng tulong. Lahat umano ng halagang malilikom ay gagamitin para sa mga komunidad na apektado ng super typhoon Carina. Ang aktres ay naniniwalang sa pamamagitan ng pagtutulungan, makakabangon muli ang mga kababayan nating nasalanta.
Ayon sa aktres, “Muli naming ibinabalik ang @startruck.ph para maging daan sa pagpapaabot ng inyong mga tulong. We are now opening our lines for cash donations. Lahat po ng malilikom ay gagamitin para matulungan ang communities na nasalanta ng super typhoon Carina. Magtulong-tulong po tayong muli para sa ating mga kababayan.”
Mabilis namang nag-trending ang post ni Jennylyn at maraming netizens ang nagpahayag ng suporta sa kanyang adhikain. Sana'y marami pang magpaabot ng tulong upang maibsan ang paghihirap ng mga apektadong komunidad.
No comments:
Post a Comment