Naaalala niyo pa ba ang OPM singer na si Coritha? Kilala siya noong dekada 60 at 70 sa kanyang mga awitin tulad ng ‘Sierra Madre,’ ‘Gising na, O Kuya Ko,’ ‘Lolo Jose,’ at ‘Oras na.’
Photo: User/YT
Kamakailan, binisita ng batikang broadcaster na si Julius Babao ang dating singer sa kanyang tahanan sa Tagaytay. Sa kanilang pagbisita, napag-alaman ang kaawa-awang kalagayan ni Coritha sa kasalukuyan. Siya ay bedridden at hirap sa paghinga, kaya’t tanging ang partner niyang si Chito Santos ang nakausap ng broadcaster.
Ayon kay Chito Santos, na-stroke umano si Coritha na naging dahilan upang siya ay maging bedridden. Hindi na siya nakakapagsalita at bahagya na lamang ang nagagawang pagkilos sa higaan. Bago pa man mangyari ito, nasunugan si Coritha ng bahay na halos walang natira sa kanyang mga kagamitan. Si Chito ang tumulong noon kay Coritha upang makabangon sa buhay, pinapadalhan ng pera, pagkain, at iba pang pangangailangan.
Kalaunan, hinikayat na ni Chito si Coritha na sumama sa kanya sa Tagaytay at iwanan na lamang ang nasunog na bahay. Maayos silang nagsasama noon hanggang sa dumating ang araw na inatake si Coritha ng stroke. Napag-alaman sa CT scan na ilang beses na palang nagkaroon ng mild stroke ang singer at hindi lamang napapansin. Inilabas na si Coritha mula sa ospital at sa bahay na lamang ito nagpapagaling. Naka-NGT (Nasogastric Tube) na lamang siya kung saan sa ilong pinapadaan ang kanyang pagkain.
Sa ngayon, lantang-gulay na si Coritha at nangangailangan ng tulong pinansyal. Tulad ng nakagawian ni Julius Babao na pagbibigay ng tulong sa mga naghihirap na celebrities, nag-abot siya ng Php50,000 bilang tulong pinansyal kay Coritha.
Emosyonal itong tinanggap ni Chito at laking pasasalamat sa broadcaster. Aniya, makakatulong umano ito para sa pagkain at gamot ni Coritha. Sa mga nais magbigay ng tulong, maaari niyong panoorin ang buong video ng pagbisita ni Julius Babao kay Coritha upang malaman ang mga detalye kung paano kayo makakatulong.
No comments:
Post a Comment