Vlogger na Mahilig Mag-Mukbang na si Dongz Apatan Pumanaw Na

 



Vlogger na Mahilig Mag-Mukbang na si Dongz Apatan Pumanaw Na

Photo: Dongz/IG

Pumanaw na ang mukbang vlogger na si Dongz Apatan. Ayon sa kapatid ni Dongz, inatake umano sa puso ang vlogger na siyang naging dahilan ng biglaan nitong pagpanaw. Noong Hunyo 14, 2024, nagpost ang kapatid ni Dongz na si Leah Apatan hinggil sa pagpanaw ng vlogger. Gamit ang mismong Facebook page ni Dongz, ibinahagi ni Leah ang malungkot na balita na sumakabilang buhay na ang kanyang kapatid.


Bago pa man kumpirmahin ng pamilya ni Dongz ang dahilan ng pagpanaw nito, may mga hinala na ang mga tagasubaybay ng vlogger na maaring inatake ito sa puso. Ito ay dahil sa “mukbang” content ni Dongz na madalas kinakain ay mamantika at maraming kanin. Kinabukasan, Hunyo 15, muling nagbahagi ng post si Leah hinggil sa pagpanaw ng kapatid at ikinuwento ang buong pangyayari bago ang pagpanaw nito.


Ayon kay Leah, pagkatapos mananghalian ng kanyang kuya ay umalis ito. Bandang alas-tres ng hapon, may tumawag umano sa kanila at sinabing nasa ospital si Dongz dahil inatake umano sa puso. Ginawa naman lahat ng doktor para mabuhay si Dongz ngunit hindi na ito kinaya kaya tuluyan na itong binawian ng buhay. “Umalis siya sa bahay pagkatapos kumain ng tanghalian, 3pm may tumawag na inatake daw sya, kaya dinala namin sa hospital wala nang malay ginawa ng doctor ang lahat para mabuhay si kuya lahat ng gamot, CT SCAN, X-RAY, LABORATORY, ang resulta sa CT SCAN may dugo na naka pasok sa utak ni kuya, ilipat sana namin siya sa CDO para operahan pero di na niya kinaya,” kwento ni Leah.


Dahil kilalang vlogger si Dongz, inaakala ng mga netizens na ito ay may naipong pera ngunit ayon sa kanyang pamilya, wala itong naiwan na kahit isang sentimo. Dahil dito, gipit ngayon ang naiwang pamilya ni Dongz dahil sa daming ginawang laboratory test sa kanya. Malaki din umano ang nagastos nila sa ospital at hindi alam kung saan pa nila kukunin ang pambayad para sa kabaong. “Ang DAMING nag tanong kung malaki ba ang naipon ni kuya, WALA wala siyang pera ni sentimo na iniwan sa amin, nadatnan namin sa hospital na walang pera, yung Bank account nya 400 pesos lang ang laman, malaki yung nagastos namin sa hospital, nasangla/nagarantor pa yung motor nya sa hospital para lang mailabas namin yung bangkay, may utang pa kami sa kabaong 20k. Walang wala po talagang pera si kuya na maiwan nangdahil sa di inaasahan na pangyayari,” dagdag ni Leah.


Samantala, binanggit din ni Leah na bagaman wala na ang kanyang kapatid na si Dongz, mananatili pa rin ang Facebook page nito. Ang mga kikitain umano ng nasabing page ay gagamitin pantustos sa mga anak na naiwan ni Dongz.


No comments:

Post a Comment

Popular Posts